BABALA UKOL SA PAMUMUHUNAN SA SOUTH KOREA AT WALANG PAHINTULOT NA PAGGAMIT NG PANGALAN NG EMBAHADA

Muling pinapaalalahanan ng Embahada ng Republika ng Pilipinas ang ating mga kababayan lalo na ang mga manggagawa na kararating lamang sa South Korea na maging maingat at mapanuri sa mga negosyo at pamumuhunan (investments) na inaalok sa kanila na diumano'y may pangakong mabilis at malaking pagkakakitaan, at wala diumanong dalang panganib o "risk" ng pagkalugi ni pagkakaroon ng pananagutan o pagkakautang.
Magtanong at siyasatin nang maigi ang background at record ng kumpanya at personalidad sa likod ng mga transaksyong ito, at alamin kung ito ay may kaakibat na dokumento, rehistro, o business permit mula sa mga autoridad, upang maiwasang maging biktima ng "scam" o pandarambong.
Binabalaan din ng Embahada ang sinoman na gumagamit o magtatangkang gamitin nang walang tahasang pahintulot ang pangalan o larawan ng mga kawani at opisina ng Republika ng Pilipinas para sa mga pansarili at pribadong negosyo o transaksyon, dahil ito ay labag sa batas.
Nananatiling bukas ang Assistance-to-Nationals (ATN) Section ng Embahada upang gabayan ang mga Pilipinong nais malaman ang mga prosesong legal patungkol sa iba't ibang scams o "fraud" sa South Korea. Maaaring makipag-ugnayan sa ATN Section sa 010-9263-8119 at atn@philembassy-seoul.com.
Salamat po.